paisa-isang dumudulas ang mga daliri sa minsa’y mahigpit na pag kakakapit sa binuong Atin. natagpuan ng Lumbay ang mga masasayang alaalang ibinaol sa kasulok-sulukan ng aking isip. fine dining ang tema ng kanyang piging dahil sa mayamang mga alaalang binuno ng anim na pu’t isang araw. palihim na kumurot ng kaunti upang ibulsa ang katiting na alaala na aking gagamiting sandata upang ipagpatuloy ang laban.

Sawi

nabigo ang mga malalalim na buntong hininga na supilin ang mga saloobin na ihineleng parang sanggol na may hinihinging ‘di mo mawari. sumambulat sa di inaasahang pagkakataon ang mga ibinalumbong sana. kasabay nito ang pagkawala ng mga isinalansang hinagpis na kinimkim ng dalawang daan at apat na put pitong araw.

Pagal

tulalang nakasandal sa pintoan ng aking silid. titig na pinapanood ang bahagi ng kama na iyong hinigan. paulit-ulit na pinapatakbo sa aking isip ang walong oras na ating pinagsaluhan. na dali-daling sinundan ng paninikip ng dibdib at pagpatak ng mga luha.

Muli

patak ng mga luha dala ng matinding kalungkutan
mga yapos at halik sa hangin
lamig na umaalumpihit sa pagitan ng mga daliri

Nahan

sa likod ng iyong mga lambing at matatamis na halik
ang ilang ulit na paghahayag ng iyong pag-ibig
ay ang katotohanang hindi kailan man magiging number one ang two.

Linlang

sa likod ng mga kilig at ngiti tuwing nakakausap ka ay ang pabulong na pagsigaw ng pangungulila. paghingang malalim ang tanging takbuhang-lunas sa paninikip ng dibdib tuwing naaalala ang kasalukuyan. pilit na ipinapaling ang tinging sa hinaharap, sa mga pangako. ngunit pilit na kinakaladkad ng lumbay pabalik sa realidad ng ngayon.

ngayon na wala ka. ngayon na nasa piling ka ng iba. ngayong na walang katiyakan kung kailan dadalaw ang napipintong hinaharap.

ang ngayon na kung saa’y kinakailangang maging sapat ang sana

Sapat

twalya’t sipilyo na iyong ginamit sa mga iilang pagkakataon na sina-atin natin ang aking silid
eroplano’t sulat na binalot ng iyong mga pinangakong bukas
alaala ng mga lugar na ating pinuntahan at mga daang ating binaybay
larawan ng ating mga nakaw na sandali. paghahanap at pagbuo mo sa iyong sarili
nais na wala nang sinasabayang indak ng sana
ang pagkapit
at ang nakaambang pagbitiw

Elipsi

mga paa’t kamay na iginapos ng masasayang alaala at mga naunsyaming sana. titig na pinapanood ng tadhana habang pa isa-isa nitong binabawi ang mga pautang na sandali. maniklop-tuhod na humingi ng palugit kapalit ang anumang bagay na hihilingin nito. ngunit kibit-balikat niyang ipinagpatuloy ang paniningil.

Endo

kasabay ng bawat buga ng usok
ay ang mga gunitang bukas palad na pinalayag
pirapirasong mga alaala na hinubog ng katanungan
na hahayaang mabaon kasama ng mga buntong-hiningang lipas.

Summer

lingit sa kanyang kaalaman,
ang pagdamay na siyang tunay niyang pakay
ay mauuwi sa pagbabalumbon ng mga panibagong nais.

Take 2, posted: 030711